07/05/2026
Kahit kailan hindi ko pa naranasan ang unahin, palagi na lang akong pangalawa sa mga pagkakataong kailangang may piliin.
Hindi ko pa nararamdaman na ako ang pinaka kaibigan o pinaka paborito, 'yong tipong ako ang hahanapin sa sandaling wala ang presensya ko. Palagi na lang akong pamalit at pansamantala, pinipili kapag wala 'yong pinaka gusto at paboritong kaibigan nila.
Hindi ko pa naramdaman na ako naman ang isurpresa, palaging ako 'yong kasama sa hatian pero kahit kailan hindi man lang napaghanda nila. Hindi naman sa nagseselos o naiinggit, para kasing nakakasawang magbigay tapos wala akong natatanggap pabalik.
Sa totoo lang, hindi ko pa nararamdaman na ako 'yong unang inaya, 'yong tipong kapag may gala ako agad ang gusto nilang makasama at ayaw mawala. Palaging ako ang nag iimbita sa sarili, kahit kailan hindi ko naramdaman na gustong-gusto nila akong kasama at kasali.
Ni isang beses hindi ko maranasan na marinig na "sasama ako basta kasama ka" Palagi kasing naaaya ako kapag kulang o may kailangan sila. Palagi akong pangalawa, minsan pangatlo hanggang sa hindi man lang maalala.
Alam kong mali ang magselos o magtampo, pero ang hirap lang dahil sila lang ang kaibigan ko. Pero hindi pala sila lahat, ganoon din sa akin ang trato. Ang hirap maging totoo, pero hindi ka paborito.
Larawan | Mine