I-Connect News

I-Connect News A Solutions and Explainer News Platform based in Malolos, Bulacan.

We practice Bridge / Constructive Journalism — translating government issues into public understanding.

07/09/2026

PUP-Pandi, Opisyal nang Binuksan sa Bayan ng Pandi:
Isang Pangarap na Naging Katotohanan

PANDI, BULACAN — Mula sa isang simpleng pangarap, isinilang ang isang makasaysayang katotohanan. Opisyal nang binuksan ngayong Lunes ng umaga, Setyembre 7, ang Polytechnic University of the Philippines - Pandi (PUP-Pandi) sa Barangay Mapulang Lupa.

Ito ang kauna-unahang unibersidad na itinayo at binuksan sa kasaysayan ng Bayan ng Pandi, at kinilala rin bilang kauna-unahang PUP Open University System sa buong Pilipinas.

Ayon kay Mayor Rico Roque, matagal nang inaasam ng mga Pandieño ang pagkakaroon ng sariling pampublikong unibersidad upang mas mailapit sa kabataan ang oportunidad na makapag-aral at makapagtapos nang hindi na kailangang bumiyahe pa nang malayo.

Hindi naging madali ang paglalakbay tungo rito. Dumaan ang proyekto sa masusing pagpaplano, koordinasyon, at pagtutulungan ng iba't ibang sektor bago tuluyang naisakatuparan.

Sa pangunguna ni John Louie Dominguez bilang campus administrator ng PUP-Pandi, pinasalamatan ng pamunuan ang lahat ng naging katuwang sa tagumpay na ito — ang pamunuan ng PUP, ang Team Puso at Talino, mga kawani ng pamahalaan, at bawat Pandieñong naniwala sa pangarap.

Higit pa sa isang bagong pasilidad pang-edukasyon, ang PUP-Pandi ay magsisilbing pintuan tungo sa mas maraming oportunidad. Sa unang yugto, mag-aalok ito ng tatlong kurso: Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management, Bachelor of Science in Tourism Management, at Bachelor of Arts in Journalism.

Inaasahan na magiging simbolo ang PUP-Pandi ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon para sa mga kabataan at magiging bahagi ng pamana na maipagmamalaki ng bawat Pandieño.

Ito ang simula ng panibagong kabanata para sa Bayan ng Pandi. Ang dating pangarap lamang ay isa nang ganap na realidad. |via Ronalyn Cruz

MAKULAY NA PARADA NG KAROSA, MAGBUBUKAS SA SINGKABAN FESTIVAL 2026 SA MALOLOSLUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Magiging sent...
07/09/2026

MAKULAY NA PARADA NG KAROSA, MAGBUBUKAS SA SINGKABAN FESTIVAL 2026 SA MALOLOS

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Magiging sentro ng kulay, sining at kulturang Bulakenyo ang kabisera ng lalawigan ngayong Setyembre 8, 2026 sa pag-arangkada ng Parada ng Karosa 2026, isa sa mga pangunahing tampok sa pormal na pagbubukas ng Singkaban Festival 2026.

Pinangungunahan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO), inaasahang lalahukan ang parada ng iba't ibang sektor — mula sa mga lokal na pamahalaan, mga state university at kolehiyo, mga ahensya ng nasyunal na gobyerno, mga pribadong institusyon, non-government organizations, at mga corporate partner ng lalawigan.

Ayon sa PHACTO, magsisimula ang pagtitipon ng mga kalahok dakong alas-6:00 ng umaga sa Bagong Gusali ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. Alas-8:00 ng umaga naman nakatakdang umusad ang hanay ng mga karosa patungong bakuran ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Magbibigay ng sigla sa buong ruta ang Hiyas ng Bulacan Brass Band na mangunguna sa parada. Tampok din sa ilang karosa ang mga pambato ng kani-kanilang bayan at lungsod para sa Hari at Reyna ng Singkaban 2026.

Huhusgahan ang mga kalahok na karosa batay sa tatlong pamantayan: husay ng pagkakagawa at kahusayan sa sining na may 50 porsyento, pagkamalikhain at orihinalidad na may 30 porsyento, at kabuuang impresyon na may 20 porsyento. Layunin ng kumpetisyon na kilalanin ang pinakamahusay na pagsasama ng tradisyon, inobasyon, at makabuluhang paglalarawan sa pagkakakilanlang Bulakenyo.

Inaasahang dadagsain ang aktibidad ng mga residente, bisita at turista. Bukod sa pagiging isang makulay na panoorin, magsisilbi rin ang parada bilang plataporma para isulong ang turismo sa Bulacan, suportahan ang mga lokal na negosyong may kaugnayan dito, palakasin ang partisipasyon ng sektor ng edukasyon, at patatagin ang pagtutulungan ng publiko at pribadong sektor.

Gaganapin ang parangal at pagkilala sa mga magwawagi sa awarding ceremony sa Setyembre 14, 2026.

Opisyal nang binuksan ang Polytechnic University of the Philippines - Pandi sa Brgy. Mapulang Lupa — ang kauna-unahang u...
07/09/2026

Opisyal nang binuksan ang Polytechnic University of the Philippines - Pandi sa Brgy. Mapulang Lupa — ang kauna-unahang unibersidad sa kasaysayan ng Bayan ng Pandi at kauna-unahang PUP Open University System sa buong Pilipinas.

"Hindi lang ito campus. Ito ay pintuan tungo sa edukasyon, pag-unlad, at mas magandang kinabukasan para sa kabataang Pandieño" anang Punong Bayan Rico Roque.

GOV. FERNANDO, NANAWAGAN NG KAISAHAN VS BAHA SA BULACANLUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nanawagan si Gobernador Daniel R. F...
06/09/2026

GOV. FERNANDO, NANAWAGAN NG KAISAHAN VS BAHA SA BULACAN

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan na magkaisa at bilisan ang paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha sa limang barangay sa lalawigan.

Sa isinagawang coordination meeting noong Setyembre 3 sa The Capitol Hostel sa lungsod na ito, na pinangunahan nina Fernando at Bise Gobernador Alexis Castro, tinalakay ang tunay na sanhi ng pagbaha na matagal nang nagpapahirap sa mga Bulakenyo.

Ayon sa presentasyon ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head Manuel M. Lukban Jr., hindi high tide ang dahilan ng pagbaha sa Barangay Longos at Bulihan sa Lungsod ng Malolos, Malis sa Guiguinto, Panginay sa Balagtas, Masuso sa Pandi, at Saluysoy sa Lungsod ng Meycauayan.

Natukoy na pangunahing sanhi ang pagbabara ng mga likas na daluyan ng tubig dahil sa mga puno at ligaw na halaman, pag-okupa ng mga informal settler at iba pang istruktura, labis na pagkapuno ng putik sa mga ilog at sapa, maling pagtatapon ng basura, at mga barado, sira o mabababang culvert.

Kabilang din sa nakitang problema ang kawalan o kakulangan ng d**e at river wall, mahina at substandard na water pumps, makikipot na floodway, at mga floodgate na hindi na-maintain.

Dahil dito, inatasan ni Fernando ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na suriin kung kasama na sa General Appropriations Act ang mga flood mitigation projects para sa limang barangay.

Inatasan din ang National Irrigation Administration (NIA) na linisin ang mga daluyan ng tubig na sakop nito, at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na tiyakin na mahigpit na ipinapatupad ng mga barangay ang tamang waste disposal.

"Magtulung-tulong po tayo, magsama-sama tayo. Huwag tayo magturuan kung sino ang gagawa. Gawin po natin ang ating magagawa alang-alang sa ating mga kapwa Bulakenyo," pahayag ni Fernando.

Sinabi pa ng gobernador na plano ng pamahalaang panlalawigan na bumili ng mga backhoe na nakasakay sa barge, vacuum jetting trucks, at mobile pumps sa pamamagitan ng Quick Response Fund upang agad na maaksyunan ang pagbabara ng mga ilog at estero.

Ang limang barangay ay paunang tinukoy lamang. Ayon sa PDRRMO, magsasagawa pa ng serye ng pag-aaral sa iba pang flood-prone na barangay sa buong Bulacan upang matukoy ang angkop na solusyon sa bawat lugar. |via Ronalyn Cruz

05/09/2026

DEPARTMENT OF WATER, PRO-PEOPLE AT ANTI-CORRUPTION

MALOLOS CITY, Bulacan — Muling iginiit ni Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad na ang pagbuo ng Department of Water (DOW) ang magiging susi para maging pro-people at anti-corruption ang pamamahala sa tubig at baha sa bansa.

Sa panayam ng i-Connect noong Setyembre 2, 2026, sinagot ni Natividad ang tanong na: "Will the Department of Water end flood corruption?"

Ayon sa alkalde, oo — dahil i-streamline nito ang napakaraming bureaucratic transactions na pinagmumulan ng red tape at korapsyon.

"Ang daming demokrasya eh, daan ka dito, daan ka dito. Ang name of the game ngayon is to streamline the bureaucratic transactions," ani Natividad.

Paliwanag niya, sa kasalukuyan ay umaabot sa 38 ahensya ang kailangang daanan ng isang water-related project. Dahil sa dami, hindi na matukoy kung saan bumabagal, saan nagkakaproblema, at sino ang dapat managot.

"Pakontiin mo ang transaction na hindi dadaan sa trenta'y otso. Napakadami ngayon. Madali mong mai-trace ngayon kung sino man 'yung departamento na bumabagal, kung saan departamento nagkakaproblema, kung saan bureau man 'yan. Alam mo kaagad ang persons in case of negligence, in case ng pagmamalabis nila sa mga gampanin ng gobyerno na may kinalaman sa tubig," giit ng alkalde.

Dagdag pa ni Natividad, sa madaling salita, ang Department of Water ay magiging pro-people at anti corruption.

"Dapat nga hindi lang Department of Water, dapat lahat ng departamento eh. Hindi pa ba tayo nadala? Galit na galit na lahat ng tao," pagtatapos ni Mayor Natividad. |via Ronalyn Cruz


05/09/2026

MEGA D**E, MALAKING BAGAY SA HIGH TIDE PERO HINDI SOLUSYON SA BAHA MULA SA ITAAS — KAILANGAN NG SERIES OF SOLUTIONS

MALOLOS CITY, Bulacan — Nilinaw ni Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad na bagama't malaking tulong ang panukalang mega d**e sa Manila Bay para sa high tide, hindi ito ang kumpletong solusyon sa pagbaha sa Bulacan.

"Malaking bagay ang mega d**e para sa high tide. Pero hindi sa Manila Bay galing ang tubig-baha kundi galing sa itaas," giit ni Natividad sa panayam noong Setyembre 2, 2025.

Ayon sa alkalde, ang baha na nararanasan sa Malolos ngayon, kahit low tide, ay patunay na mula sa upstream o kabundukan ng Pampanga River Basin ang bulk ng tubig, hindi mula sa dagat. Kung kaya aniya, kung lalagyan ng d**e at sasarhan ang bunganga ng ilog, posibleng lalo pang hindi makalabas ang tubig papuntang Manila Bay.

"Hindi pwedeng isa lang ang solusyon. Series na solusyon dapat 'yan," paliwanag ng alkalde.

Ihinalintulad ni Natividad ang sitwasyon sa paglalagay ng timba at batsa sa ilalim ng alulod kapag umuulan — nababawasan ang daloy ng tubig pababa dahil may nagsasalo.

Kaya aniya, ang tunay na kailangang pag-aralan ay ang paglalagay ng maraming water catchment basins facilities sa itaas.

"Next week, mag-i-identify na kami ng mga water catch basins dito. Maglalagay [sana] tayo ng mga panibagong dam, water facilities. Namomroblema tayo pag tag-araw kung saan kukuha ng tubig. Itinatapon nga natin ang tubig," dagdag niya.

Giit ni Mayor Natividad, ang solusyon ay hindi lang pang-high tide kundi para sa kabuuang daloy ng tubig — mula sa pag-ipon sa itaas, pagpapabagal sa gitna, hanggang sa maayos na paglabas sa Manila Bay. | via Ronalyn Cruz

04/09/2026

MAYOR NATIVIDAD: ADDITIONAL DAMS AT WATER CATCHMENT FACILITIES, SOLUSYON SA BAHA SA LOW-LYING AREAS

MALOLOS CITY, Bulacan — Iginiit ni Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad na hindi sapat ang pagpapalapad ng ilog para masolusyunan ang matagal nang problema sa baha sa Pampanga at Bulacan.

"Madami nang sumubok na laparan ang ilog ng Pampanga mula Pinatubo, katakot-takot na paglalapad na ginawa nila, ba't hindi umaalis ang tubig?" ani Natividad sa isang panayam nitong Setyembre 2, 2026. Ito'y kaugnay sa pahayag ni Ramon S. Ang CEO ng San Miguel Corporation na kailangan aniyang laparan ang mga ilog upang makatulong makabawas ng baha.

Ayon naman sa alkalde, ang tubig na dapat ituring na biyaya ay itinatapon lang ng bansa, gayong maraming bansa ang naghahanap ng tubig.

"Ang Pilipinas ay itinatapon ang biyaya ng tubig. Ipunin natin. Gamitin natin for additional water source natin, para magkaroon na ng tubig itong mga water district natin. Kakaunti ang supply natin ng tubig," aniya.

Iminungkahi ni Natividad ang pagtatayo ng mga bagong dam at maraming water catchment facilities sa upper land upang mapabagal ang pagdaloy ng tubig bago ito bumaba sa mga low-lying areas tulad ng Malolos, Calumpit, Hagonoy at Paombong.

"Malaking bagay ang mapabagal o mapag-ingat ang pagdaloy ng tubig sa mga low-lying areas bago bumaba dito sa atin. Naimbak mo na dito [sa itaas] ," paliwanag niya.

Binigyang-diin din ng alkalde na sa nakalipas na mga dekada, puro Manila Bay area lamang ang pinagtutuunan ng flood mitigation projects, habang napapabayaan ang watershed at upstream.

"For the past decades, ang mga projects ng flood mitigation puro nandito lang sa Manila Bay area. Walang nagaganap sa mga watershed, walang nagaganap dito sa taas. Nakakalimutan na ito, pero ang bulk ng tubig natin ngayon nanggagaling sa taas," ani Natividad.

Kasama aniya sa solusyon ang pag-aaral ng mga water expert, geologist at hydrologist para sa tamang lokasyon ng mga catchment, na hindi lang makakabawas sa baha kundi magiging karagdagang suplay pa ng tubig para sa mga water district. |via Ronalyn Cruz

03/09/2026

Maagang matatapos ang pamamahagi ng ayuda sa Lungsod ng Malolos ngayong araw.

Ito ay matapos pagsamahin na lamang sa iisang lugar ang kuhanan ng ayuda ng bawat dalawang magkatabing barangay. Ginawa ang hakbang na ito bilang tugon upang maiwasan na gabihin ang mga benepisyaryo.

As of 5:30pm, nasa huling barangay na ang pamamahagi — ang pinagsamang Barangay Mojon at Barangay Guinhawa na isinasagawa sa Brgy. Mojon. | via Ronalyn Cruz

1,000 Sako ng Bigas, Inilaan para sa mga Binaha sa BulacanBULACAN — Mamamahagi ng 1,000 sako ng bigas para sa mga Bulake...
03/09/2026

1,000 Sako ng Bigas, Inilaan para sa mga Binaha sa Bulacan

BULACAN — Mamamahagi ng 1,000 sako ng bigas para sa mga Bulakenyong nasalanta ng habagat at bagyo nitong mga nakaraang linggo.

Donasyon ito mula sa tanggapan ni Sen. Erwin Tulfo, sa pamamagitan ni Deputy Chief of Staff Francis Tulfo at ng Caridad Tulfo Foundation na kinatawan ni Anne Tulfo.

Tinanggap mismo ni Gob. Daniel Fernando ang mga donasyon at nagpasalamat sa tulong para sa mga naapektuhan, lalo na sa mga lugar na matagal na binaha.

Ayon sa grupo, layon ng ayuda na tulungan ang mga pamilyang bumabangon pa lang mula sa kalamidad. | via Ronalyn Cruz

03/09/2026

MALOLOS CITY, Bulacan — Isinusulong ni Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad ang pagbuo ng isang Department of Water (DOW) bilang pangunahing ahensya na direktang nasa ilalim ng Pangulo na mangangasiwa sa lahat ng may kinalaman sa tubig sa bansa.

Giit ni Natividad, dahil sa kawalan ng lead agency, walang integrated master plan na sumasaklaw sa buong daloy ng tubig — mula sa itaas ng Pampanga River Basin hanggang sa babang bahagi ng Malolos at Hagonoy.

Kaya aniya, kailangan ng isang departamento na magiging "iisang boss" — may sariling Bureau at Operations Center, may iisang plano, iisang budget, at malinaw na pananagutan. |via Ronalyn Cruz

Address

164 Sitio Pulo, Sumapang Bata, Malolos City, Bulacan
Malolos
3000

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when I-Connect News posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Shortcuts

Share