15/05/2026
Dito sa Lungsod Malolos, kinalakihan ko na ang kaliwa't kanang baha sa tuwing panahon ng tag ulan. May mga lugar na noon ay hindi binabaha, ngunit ngayon ay binabaha na. Sa bawat lugar na nilulubog, nariyan ang kabi-kabilang pagtaass ng kalsada para maipagpatuloy ang daloy ng ekonimiya sa panahon ng tag ulan. Sa bawat pagtaas ng kalsada, nariyan ang mga kabahayan na unti unting inilulubog nito.
Ngunit paano kung ang konkretong kalsada ay hindi mo kalaban at hindi mo rin kakampi. Dito sa Isla ng Pamarawan sa lungsod ng Malolos hindi Flood control issue ang unting unti pumapatay sa kanilang kabuhayan at pamumuhay kundi ang kalikasan mismo.
Ang Pamarawan ay nasa mababang coastal delta ng Manila Bay na patuloy na lumulubog dahil sa land subsidence at sobrang pagkuha ng groundwater, kaya sa tuwing may bagyo ay madaling inuubos ng tubig ang isla dahil wala nang natural na bakawan at mataas na lupa na humahadlang sa daluyong.
Hindi makakatulong ang mga kalsada at kongkretong konstruksyon sa Pamarawan dahil sa halip na payagan ang tubig na kumalat at maabsorb ng lupa, pinipigil lang nito ang natural na daloy at nagpapalala ng pagbaha, habang patuloy namang lumulubog ang isla dahil walang bakawan at sediment na pumipigil sa pagguho ng baybayin.
Ang isla ng pamarawan ay nabuo sa loob ng milyun-milyong taon sa natural na paraan. Dinadala ng tubig-ilog at agos ng Manila Bay ang putik at buhangin, at naipon at naitrap ito ng mga bakawan at natural na hadlang sa baybayin. Dahan-dahan, tumaas ang lupa at naging isla.
Ngayon, wala nang bakawan at mabilis ang pagguho, kaya't imbes na mag-ipon ng lupa, nauubos ito tuwing may bagyo.
Ang mga residente rito ay hene henerasyon ng mga mangingisda at nag-aalaga ng tahong at hipon. Dito sila kumukuha ng kabuhayan, sa dagat at baybayin na ngayon ay unti-unting nawawala dahil sa paglubog ng lupa.
Sa bawat pagtatayo natin ng mga kongkretong istruktura kinakalaban natin ang kalikasan. Ang Pamarawan ang konkretong ebidensya na kapag ang kalikasan ay kinalaban natin, hindi tayo kailanman mananalo.
Tuwing nagtatayo ng matataas na kalsada at konkretong d**e sa kalapit at mas matataas na lugar, mas mabilis na umaagos ang tubig papunta sa Pamarawan na syang exit point ng tubig na nanggagaling sa loob ng Bulacan - kasama na ang Malolos at mga kalapit na bayan.
Kapag binabaha sa upland areas, dumadaloy ang tubig sa mga ilog at estero papunta sa Manila Bay, at ang Pamarawan ang nasa mismong baybayin kung saan lumalabas ang mga tubig na ito. Kapag wala nang bakawan na magpapahina sa alon, wala nang putik na mananatili para itaas ang lupa.
Ang solusyon ay muling kaibiganin ang kalikasan, ngunit paano?
Yan mismo ang stratehiyang tinututukan ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga. Ang North Manila Bay Nature-Based
Flood Mitigation Project na may layuning gumamit ng natural na proseso para protektahan ang isla sa baha at paglubog, imbes na umasa sa nakasanayang semento at d**e.
Ginagawa nila ito sa dalawang paraan. Una ang sediment trapping gamit ang kawayan upang mahuli ang putik at buhangin na dinadala ng tubig mula Manila Bay na muling magpapataas ng lupa ng isla katulad sa kung paano ito nabuo mula pa ng simula. Kapag muli nang tumaas at kumapal ang lupa ay handa na sa ikalawang bahagi, ang pagbabalik ng bakawan upang maging natural na hadlang sa alon, daluyong, at erosion.
Hindi ito agarang solusyon. Aabutin ng ilang taon bago tumaas nang sapat ang lupa. Ngunit kapag nagtagumpay, makikinabang dito hindi lang sa flood protection, kundi pati sa pagbabalik ng isda, alimango, at ibon na muling bubuhay sa kabuhayan ng mga residente nito.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng 7 ektarya ang nasasakuyan ng mga naitayong sediment trap sa Pamarawan. Ayon mismo sa isa naming nakapanayam na residente ay mayroon na silang nakitang pagbabago sa daloy ng tubig noong mga nagdaang bagyo
Ang hamon ngayon ay mapanatiling nakatindig ang mga ito habang inaantay ang kalikasan na muling magtiwala sa mga tao.
Para manguna ang lokal na pamahalaang lungsod ng Malolos na maglakas-loob na sumubok sa proyektong ito ay malaki ang tiwala nito sa kanilang mga mamamayan na kaya itong ingatan dahil umaabot sa lima hanggang sampung taon bago tuluyang may makitang pisikal na pagbabago sa kalagayan ng isla.
Maging leksyon sana sa atin na hindi lahat ng madaing gawin ay nagtatagal. Mabuksan sana ang pang unawa ng mga mamamayan sa mga pang matagalang solusyon sa mga problema ng bayan. Pag ingatan natin ang mga nanatili pa at wag nang hayaan na masira pa ito.
Written by Rona Cruz