19/09/2021
[A] Inilulunsad ngayong araw ng OVP, sa tulong ng ating volunteer doctors at health professionals, ang Bayanihan e-Konsulta—isang libreng serbisyo na naglalayong magbigay ng atensyong medikal sa mga outpatient cases sa NCR at sa mga karatig lugar na nasa ilalim ng ECQ, lalo na sa mga kababayan nating walang access sa mga doktor o sa ibang telecommunication platforms.
Ang inisiyatibong ito ay bahagi rin ng patuloy na pagkilos ng ating Tanggapan upang suportahan ang mga ospital at frontliners, sa gitna ng matinding pangangailangan sa kanilang serbisyo dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Para sa mga nais magpa-e-konsulta, bisitahin ang Bayanihan E-Konsulta page (https://bit.ly/BayanihanEKonsulta) at i-click ang Send Message button, o kaya hanapin ang Bayanihan E-Konsulta sa search bar ng Facebook Messenger app. Kapag bumukas na ang chat, pindutin ang “Get Started” upang masimulan ang proseso.
Paalala lang po: Naka-disable ang ating comments section upang maituon po ng ating team ang kanilang pansin sa mga request para sa e-konsulta. Para sa ibang mga katanungan o suhestiyon, maaaring makipag-ugnayan sa amin sa VP Leni Robredo page.
Maraming salamat po!